Neory
Ito ang aking isinalaysay na talumpati noong Filipino 1. Nagandahan ako sa talumpating ito na isinulat ni Mia Lavetoria.


Naliligiran ng kaguluhan; mga taong walang pakialam at makasarili; nakalahad na mga palad sa lansangan at mga tirahang pinagtagpi-tagpi lamang. Ito ang kasalukuyang larawan ng bayang dating tinaguriang Perlas ng Silangan.

Nakalipas na ang ilang dekada ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nalalagot ang tanikala ng kahirapang kinalulugmukan ni Juan dela Cruz. Ito ang puno’t dulo ng lahat ng pangyayaring nararanasan sa kasalukuyan ng ating bansa. Kung bakit sa bawat sulok ng dilim nagaganap ang mga krimen. Kung bakit nawawala ang pagmamahal sa isa’t isa. Ang siyang dahilan kung bakit patuloy tayong sinasalubong ng mga maliliit at maruruming paang nakalahad ang mga palad na sana’y ang hawak ay mga panulat at papel. Kung bakit mahigit dalawang milyong pamilya ang nakararanas ng kagutuman at malaking bahagi ng sangkatauhan ay natutulog nang gutom sa gabi. Kahirapang hindi nagpatuntong sa paaralan sa halos sampung milyong kabataan.

Subalit hindi lamang ito ang sanhi. Hindi lamang ang tanikalang ito ng kahirapan ang nagpapahirap kay Juan dela Cruz. Kasama sa sapot na bumabalot sa ating bayan sa pag-unlad nito, ang pamahalaang bingi sa mga hinaing ng mga tao, bulag sa mga batang naglipana sa lansangan at manhid sa init at lamig na nadarama ng mga Pilipinong walang tirahan. Hindi ba’t silang mga nasa likod ng lingkurang bayan ang nangako ng kariwasaan sa ating bayan? Sa matatamis nilang dila narinig natin ang milyun-milyong hanapbuhay, pabahay at iba pang gabundok na mga proyekto. Isa ang pamahalaan kung bakit kinakailangang may mga taong natutulog sa lansangan kung mayroon namang mga lupain na maaaring pagtayuan ng kanilang mga tahanan at nang hindi nila pilit na isinisiksik ang kanilang mga sarili sa riles ng tren at tabi ng ilog.

Dapat na tayong mabahala. Sapagkat sa bawat isang kabataang tumitigil sa pag-aaral, humihinto rin sa pag-inog ang mundo. Ang mga pangarap at kagalingan ng mga kabataang ito na maaaring mga susunod na pinuno ng ating bayan ay nasasayang.

May pag-asa pa. Sapagkat ako’y naniniwala na sa likod ng mga kalawang ay minsa’y isang kumikinang na ginto. Ang ating bayan ay dati ng tinaguriang Perlas ng Silangan at maaari pa nating maibalik ito na tulad ng isang kumikinang na ginto kung aalisin natin ang mga kalawang na nakapalibot dito.

Ako, kami, tayo, bilang mga kabataang Pilipino ang lalagot sa tanikalang nagpapahirap sa ating Inang Bayan at siya ring tutulong upang alisin ang mga sapot at kalawang na pumipigil sa ating bayan sa pag-unlad. Sapagkat ako’y naniniwala, ang kulimlim na ulap ay lagi nang nahahawi upang bigyang laya ang haring araw sa muling pagsikat nito.
0 Responses

Post a Comment